--Ads--

Opisyal nang binuksan ng Department of Science and Technology-Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) ang Natural Textile Fiber Innovation Hub sa Benito Soliven, Isabela, ang kauna-unahang pasilidad ng ganitong uri sa buong Northern Luzon at ikaapat sa bansa.

Layunin ng hub na tugunan ang lumalaking pangangailangan sa lokal na materyales para sa industriya ng tela sa pamamagitan ng pagproseso ng hibla mula sa saging at pinya upang gawing sinulid na magagamit sa paggawa ng tela.

Inihayag ni DOST-PTRI Director IV Dr. Julius Leaño Jr., nakatuon ang proyekto sa pagpapalago ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) gamit ang siyensya at teknolohiya, pagpapalakas ng kakayahan ng mga manggagawa, at pagpapalawak ng industriya ng tela sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Dagdag pa niya, palalawakin ng DOST-PTRI ang network nito sa mga kalapit-bayan na may sapat na suplay ng hilaw na materyales, habang target ding madagdagan ang mga tagahabi at mapalawak ang industriya ng pagbuburda at paggawa ng sapatos gamit ang lokal na hibla.

--Ads--

Ang mga makinarya at teknolohiyang gagamitin sa pagproseso ng banana fiber ay ipinagkaloob ng DOST sa Solivenian Agricultural Business Association (SABA), na siyang mamamahala sa operasyon ng pasilidad.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga lokal na magsasaka dahil nagkakaroon na sila ng dagdag-kabuhayan mula sa mga basurang agrikultural na dati’y itinatapon o pinababayaang mabulok.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Provincial Tourism Officer Joanne Maranan na target ng lalawigan na maisama ang bagong hub sa isinusulong nitong industrial tourism program upang higit pang mapalakas ang lokal na ekonomiya at maipakita ang mayamang kultura ng Isabela.

Pinangunahan nina Dr. Leaño, DOST Region 2 Regional Director Virginia Belgera, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Benito Soliven at Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang pagbubukas ng nasabing hub.

Source: Isabela PIO