--Ads--

Iniharap ng House Prosecution Panel bilang ikalawang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte si National Bureau of Investigation (NBI) BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc upang magbigay-linaw sa usapin ng grave threats na nakapaloob sa ikaapat na artikulo ng impeachment complaint.

Ayon sa prosecution panel, inaasahang ilalahad ni Lotoc ang mga resulta ng imbestigasyon ng NBI kaugnay ng umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez na nakunan sa isang press conference noong 2024.

Sinabi ng prosecution na mahalagang bahagi ng testimonya ni Lotoc ang pagtukoy kung nananatiling karapat-dapat si Duterte na manatili sa kanyang posisyon bilang Bise Presidente matapos ang naturang mga pahayag.

Sa isang press briefing, iginiit ni House Prosecution spokesperson at adviser Robert Ace Barbers na nakatuon ang impeachment trial sa usaping konstitusyonal at hindi sa kriminal na pananagutan ng Bise Presidente.

--Ads--

Ayon kay Barbers, ang pangunahing layunin ng paglilitis ay alamin kung nararapat pa bang manatili sa katungkulan si Duterte batay sa mga ebidensyang iniharap laban sa kanya.

Samantala, sinabi naman ni defense spokesperson at counsel Michael Wesley Poa na handa silang isailalim sa cross-examination si Lotoc at umaasang matatapos ito sa loob ng araw.

Dagdag pa ni Poa, pag-aaralan muna ng depensa ang magiging testimonya ni Office of the Vice President Chief of Staff Zuleika Lopez bago sila magpasya kung kinakailangan pa itong isailalim sa cross-examination.

Nakatakdang humarap bilang testigo ngayong linggo si Lopez bilang bahagi ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.