--Ads--

Patuloy na isinusulong ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP ang pagpapahalaga sa kultura, tradisyon at identidad ng mga katutubo sa Isabela kasabay ng paggunita sa ika-29 na anibersaryo ng pagsasabatas ng Indigenous Peoples Rights Act o IPRA noong 1997.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joey Cortez, Administrative Officer IV ng NCIP Isabela Provincial Office, nagpaabot ito ng pasasalamat sa iba’t ibang munisipalidad na nakiisa sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples Month at paggunita sa ika-29 na anibersaryo ng IPRA Law.

Ayon kay Cortez, naging matagumpay ang mga isinagawang aktibidad dahil sa pakikiisa ng iba’t ibang komunidad ng mga katutubo, na nagpapakita ng patuloy na pagkilala sa kanilang mahalagang papel bilang bahagi ng lipunan.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang ganitong mga pagdiriwang upang higit na maipabatid sa publiko ang kahalagahan ng pagkilala, paggalang at pagsusulong sa mga karapatan ng mga indigenous peoples, gayundin ang pagpapanatili ng kanilang kultura, tradisyon at identidad.

--Ads--

Paliwanag ni Cortez, nagsisilbing paalala ang ika-29 na anibersaryo ng IPRA Law na hindi dapat mapabayaan ang mga karapatan ng mga katutubo, partikular ang kanilang karapatan sa sariling pagpapasya, pagpapanatili ng kanilang pagkakakilanlan at pangangalaga sa kanilang pamana at kulturang minana sa mga naunang henerasyon.

Kaugnay nito, mahalaga rin aniya na patuloy na mapalakas ang pagpapahalaga ng publiko sa pagkakaiba-iba ng kultura at tradisyon ng mga indigenous peoples, sa halip na maging limitado lamang sa buwan ng pagdiriwang ang pagkilala sa kanilang mga komunidad.

Sa ilalim ng Republic Act No. 8371 o Indigenous Peoples Rights Act of 1997, kinikilala at pinoprotektahan ang mga karapatan ng mga katutubo sa kanilang ancestral domains at ancestral lands, sariling pamamahala at pagpapasya, katarungang panlipunan at karapatang pantao, gayundin ang karapatang mapanatili at mapaunlad ang kanilang kultura, tradisyon at mga institusyon.