--Ads--

Inireklamo ng isang negosyante ang isang scammer na nagbebenta ng walis tambo sa Cauayan City.

Personal na nagtungo sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang biktimang negosyante matapos na maiscam sa biniling daan-daang walis tambo sa isa umanong scammer.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rose, hindi niya tunay na pangalan at negosyante sa Cauayan City sinabi niya na may nagbenta sa kanilang shop ng walis tambo.

Nagkaroon ng transaksyon at nang pumayag na ang scammer sa gusto ng negosyante ay binigay nito ang nasa 500 na piraso ng walis tambo na laman ng kolong-kolong ngunit 240 na piraso lamang ang kanyang kinuha na nagkakahalaga ng P27,400.

--Ads--

Aniya ang unang ipinakita na mga walis tambo ay maganda ang kalidad ngunit nang kanilang makita ang pinakailalim ng bundle ay sobrang nipis na ng mga walis tambo na ibinenta sa kanilang shop at pang-engganyo lamang ang mga ipinakitang walis tambo na maganda ang kalidad at makapal.

Ito aniya ang unang pagkakataon na mayroong nagbenta ng walis tambo sa kanila dahil ang kanilang dating pinagkukuhanan ng suplay ay sa bahagi ng Rogus Cauayan City at sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Nataon naman na walang naisuplay na walis tambo ang kanilang supplier kaya wala silang maibenta at nang may nag-alok ay agad na silang kumuha.

Ayon aniya sa scammer nagbabagsak ito ng walis tambo sa palengke kaya nagtiwala naman silang hindi ito scam.

Iginiit niya na kahit ibenta ang nasabing mga walis sa halagang P50 ay walang gugustuhing bumili dahil sa hindi magandang kalidad.

Nanawagan naman siya sa nagbenta ng walis na ibalik na lamang kahit kalahati ng kanyang ibinayad o palitan ng mas magandang kalidad ang ibinenta nito sa kanila upang hindi sila gaanong malugi.

Pinaalalahanan naman niya ang mga katulad niyang negosyante na huwag agad magtitiwala sa sino mang mag-aalok ng produkto sa kanila at ugaliing suriin ang kalidad ng produkto bago magbigay ng bayad upang hindi mabiktima ng mga scammer.