--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang negosyante matapos nitong saklolohan ang kaniyang misis mula sa isang holdaper sa Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na ang mag-asawang biktima ay mga negosyante at galing umano sila sa kanilang meat shop bago nagtungo kinagabihan sa kanilang goat farm kung saan nangyari ang insidente.

Nang makarating sa kanilang farm ay ipinarada nila ang kanilang tricycle sa daan kung saan naiwan sa loob ang babaeng biktima habang nagtungo naman sa loob ng farm ang mister nito.

Dito na umano nakahanap ng tiyempo ang suspek na noo’y nag-aabang sa pagdating ng mga biktima sa lugar kaya agad itong nagtungo sa kinaroroonan ng babaeng biktima at nagdeklara ng hold-up.

--Ads--

Nag-agawan umano sila ng biktima sa bag nito na may lamang 40,000 pesos at nang marinig ng mister ang sigaw ng kaniyang misis ay agad niya itong sinaklolohan ngunit sinaksak ito ng suspek.

Nagawa namang naagaw ng pinaghihinalaan ang bag at dali-daling umalis sa lugar.

Dahil sa tinamong saksak ng lalaking biktima ay agad itong binawian ng buhay habang nagtamo naman ng galos sa katawan ang misis nito.

Agad namang natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na nagresulta sa agaran nitong pagkaka-aresto.

Ang naturang suspek ay nagtatrabaho sa slaughter house at nagawa umano nito ang krimen dahil siya ay natalo sa sugal.

Dahil sa insidente ay pinaalalahanan ni PMaj. Aggasid ang publiko pangunahin na ang mga nagdadala ng malalaking halaga ng pera na agad itong ideretso sa bangko o kaagad i-uwi sa bahay upang maiwasang mabiktima ng mga masasamang loob.