--Ads--

Nasawi ang isang negosyante matapos masangkot sa aksidente sa kahabaan ng lansangang nasasakupan ng Brgy. Liwanag, Tumauini, Isabela.

Ang nasawing biktima at tsuper ng Honda CR-V ay kinilalang si Jon Pascacio, limamput pitong taong gulang, may-asawa at residente ng Brgy. Antagan 2nd, Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao, Chief of Police ng Tumauini Police Station, sinabi niya na binabaybay ng biktima ang kahabaan ng Barangay Liwanag patungong Lungsod ng Ilagan nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bahagyang napunta sa kabilang linya at nasalpok ang kasalubong na Closed Van na minaneho ni Agosto Aprentado na residente ng Tanza, Cavite.

Sa lakas ng banggaan ay nahulog sa gilid ng kalsada ang closed van habang humambalan sa highway ang sasakyan ng biktima.

--Ads--

Nagtamo ng matinding sugat sa katawan ang dalawang tsuper na agad dinala sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuers ngunit binawian ng buhay sa ospital si Pascacio habang nilalapatan ng  lunas habang nagpapagaling pa sa pagamutan si Aprentado.

Ayon kay PMaj. Aggabao, hinihintay pa nilang mag-usap ang magkabilang panig sakaling magka-ayos ang mga ito.