CAUAYAN CITY- Naabot na ng National Food Authority (NFA) ang target procurement nito para sa buwan ng Marso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maria Luisa Luluquisen, Branch Manager ng NFA Isabela, sinabi niya na sa ngayon ay umabot na sa 70,000 bags ng palay ang kanilang nabili mula sa mga magsasaka.
Gayunpaman ay magpapatuloy pa rin sila sa pagbili upang maabot nila ang target procurement nila para sa summer crop season na 400,000 bags.
Sa ngayon ang presyo ng dry na palay sa NFA ay 24 pesos kada kilo ngunit dapat ay hindi lalagapas sa 14% ang moiture content nito.
Para naman sa sariwang palay na mayroong moisture content na 22-25% ay 18 pesos lamang ang kanilang bili ngunit mas bababa ang presyo kung ang moiture content ng palay ay naglalaro sa 25-29.9%.
Nilinaw naman niya na ang mga nabanggit na presyo ay maaring magbago alinsunod na rin sa sinusundan nilang flexible pricing scheme.
Kasalukuyan na ngayon ang pamimili ng NFA Isabela sa mga bayan ng Cabagan, Cabatuan, Gamu, Mallig, Quezon, San Manuel, Alicia, San Mateo, Ramon, Echague, Santiago City at Cauayan City.
Kasalukuyan pa kasi ngayon ang rehabilitasyon ng tatlong bodega ng NFA partikular sa Tumauini, Burgos at Roxas kaya limitado lamang sa ngayon ang mga warehouses ng NFA na namimili ng palay.
Aniya, nagsimula na nilang ipalabas sa mga bodega ang mga napamili nilang mga bigas noong nakalipas na taon para ma-accommodate ang palay ng magsasakang magbebenta sa NFA.
Kada linggo ay nasa 60,000 bags ang ini-issue nila sa mga miller contactors para mai-convert ang mga palay sa bigas para sa kanilang buffer stock at para may maipadala sa National Capital Region.
Para sa mga magsasaka na nagnanais magbenta ng palay sa NFA ay kinakilangan lamang nitong magpresenta ng RSBSA ID sa pinakamalapit na NFA Warehouse maging ang certification mula sa Local Government Unit kung saan nakalagay dito ang lawak ng hektarya ng sinasaka nito.
Magdala rin aniya ng kahit isang kilong sample ng aning palay para masuri ang moisture content nito.