CAUAYAN CITY- Tiniyak ng National Food Authority (NFA) Isabela na mahigpit ang kanilang proseso sa pag-validate sa pagkakakilanlan ng mga magsasaka na nagbebenta ng palay sa kanilang mga warehouses.
Ito ay matapos ihayag ni Isabela Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy na noong siya pa ang Punong Bayan sa Echague, Isabela ay mayroong mga magsasaka ang dumudulog sa kaniyang tanggapan upang sabihin na ang kanilang mga passbook ay kontrolado ng mga traders na siyang lumalapit naman sa NFA para ibenta ang kanilang mga palay.
Ayon kay NFA Isabela Manager Maria Luisa Luluquisen, walang mga traders ang nakakapasok sa NFA para magbenta dahil hinahanapan ang mga ito ng RSBSA ID na isang patunay na sila ay lehitimong magsasaka.
Maliban sa certification ng mula sa RSBSA ay plano ngayon ng NFA Isabela na alamin ang isang magsasaka na nais magbenta ng palay sa kanila ay nagtanim ng talaga ng palay at kung ilan ang inaasahang aanihin nito.
Hiniling naman niya ang kooperasyon ng mga Local Government Units sa pamamagitan ng mga municipal agriculturist upang I-verify ang mga impormasyon na isinusumite ng mga magsasaka.
Ayon kay Luluquisen, ang mga listahan ng mga magsasaka na nagbenta ng kanilang palay sa NFA ay ipinapaskil sa kanilang mga warehouses kada buwan at nagbibigay din sila ng kopya sa mga MAOs.











