CAUAYAN CITY- Pinawi ng pamunuan ng National Food Authority o (NFA) Region 2 ang pangamba ng publiko kaugnay sa food security ng Ikalawang rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nilinaw ni Assistant Regional Director Leslie Martines ng NFA-Region 2 na walang rice shortage o kakulangan ng suplay ng bigas dito sa rehiyon.
Aniya, may sapat na imbentaryo ng bigas ang NFA-Region 2 para matustusan ang buong nasasakupan nito.
Maging ang pangangailan ng mga local government units na kanilang gagamitin sa relief operations tuwing may kalamidad ay sapat.
Samantala, sang-ayon din si Asst. Regional Director Martines sa naging pasya ni pangulong Rodrigo Duterte na ihinto muna ang pang-aangkat ng bigas ngayon panahon ng anihan.
Anya, tama lamang ang pasya ng pangulo upang hindi maapektuhan ang presyo ng palay na binibili mula sa mga lokal na bigas.




