Dinagdagan pa ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ang pinapakawalang tubig mula sa Magat Dam.
Matatandaang unang nag-anunsyo ng water release ang NIA-MARIIS mula sa Magat Reservoir dahil sa patuloy na malalakas na pag-ulan sa watershed areas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niyang una nilang binuksan ang isang gate na may isang metrong opening. Ngunit dahil sa patuloy na buhos ng ulan at pagtaas ng water inflow sa dam, dinagdagan ito ng isa pang metro.
Layunin nito na maibaba sa ligtas na antas ang tubig sa dam, na kasalukuyang nasa 188.38 meters above sea level, at maiwasan ang biglaang pagbubukas ng mas marami pang gate.
Sa ngayon, ang kabuuang spillway discharge ay nasa 383.00 cubic meters per second (cms), habang ang inflow ng tubig ay nasa 1,391.73 cms.
Umaasa ang NIA-MARIIS na titila na ang ulan upang hindi na madagdagan ang pagbubukas ng spillway gates. Tiniyak din ni Engr. Dimoloy na oras-oras nilang imo-monitor ang inflow upang hindi lumampas sa ligtas na lebel ang tubig at hindi maapektuhan ang irigasyon ng mga sakahan.
Nilinaw rin niya na kasalukuyang sarado ang mga irigasyon at ang tubig na dumadaloy sa mga irrigation canals ay mula lamang sa ulan.
Dagdag pa niya, bagama’t malayo pa ang kasalukuyang elevation ng tubig sa spilling level, kinakailangan pa ring magpakawala nang mas maaga dahil sa kalumaan ng dam upang mapanatili ang integridad nito.











