Nagbukas ng karagdagang spillway gate ng Magat Dam ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Viernes, flood forecasting and instrumentation section head ng NIA-MARIIS, sinabi niya na kinailangan nilang magpakawala ng mas maraming volume ng tubig mula sa dam dahil sa malakas na pag-ulang naranasan kagabi sa Magat watershed areas.
Dalawang spillway gate ang binuksan ngayong araw na mayroong limang metrong opening.
Sa ngayon ang water elevation ng Dam ay umabot na ng 192.40 meters above sea level at malapit na nitong maabot ang spilling level na 193masl.
Simula kasi kagabi ay umaabot sa 1,200cmps ang water inflow ng dam at nakakadagdag ito ng 5cm bawat oras sa antas ng tubig habang ang outflow naman ay nasa 500cms pa lamang.
Pinaalalahan naman niya ang publiko na iwasang mamalagi sa tabing ilog, ilayo ang mga alagang hayop sa Magat river upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.