--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaalalahanan ng pamunuan ng NIA-MARIIS ang publiko kaugnay sa mga kumakalat na video na kuha sa Magat Dam na wala itong katotohanan at hindi ito ang kasalukuyang estado ng water releasing sa reservoir.

Kumakalat kasi ang isang lumang video na kuha sa Magat Dam na malaking volume ng tubig ang rumaragasa mula sa dam at nagdulot ng maling impormasyon sa publiko.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS sinabi niya na ang kumakalat na video ay kuha pa noong manalasa ang bagyong Ulysses.

Aniya nagdudulot ito ng maling impormasyon at panic kaya pinaalalahanan niya ang publiko na maging mapagmatyag sa mga nakukuhang impormasyon sa social media at huwag agad magtitiwala sa mga ito.

--Ads--

Aniya maiging iberipika muna ang mga napapanood na video kung ito ay luma o bago at kung malaman na luma na at hindi na ito ang aktwal na sitwasyon ng Magat dam ay huwag nang ipakalat o I share pa para hindi magdulot ng maling impormasyon.

Sa kasalukuyan ay dalawang spillway gate ng Magat dam ang nakabukas hindi katulad ng nasa video na bukas ang lahat ng spillway gate ng dam.

Aniya maagang nagpalabas ng tubig ang NIA-MARIIS upang paghandaan ang volume ng tubig na dulot ng bagyong Nika at Ofel kaya hindi gaanong nakaapekto sa water elevation ng dam.

Pinaghahandaan na rin nila ngayon ang ulang dala ng bagyong Pepito kaya nagpapatuloy ang water releasing ng Magat Dam.