--Ads--

CAUAYAN CITY – Wala pang plano ang NIA-MARIIS na magdagdag ng spillway gate opening ng Magat Dam sa kabila ng mga pag-ulang dala ng bagyong Gener.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS sinabi niya na batay sa kanilang monitoring bumababa na ang inflow ng tubig mula sa mga watershed areas ng dam.

Nakaantabay lamang aniya sila sa abiso ng PAGASA sa pag-ulang dala ng bagyong Gener dahil nasa 500.75 cubic meter per second ang inflow ng tubig sa dam na bumaba na mula sa 846 cubic meter per second bago ang kanilang pagbukas ng dalawang spillway gate na may 3 meters na opening.

Sakali mang lumakas pa ang mga pag-ulan sa watershed ay saka lamang sila magdagdag ng opening.

--Ads--

Nakatutok din sila ngayon sa maaring dalhing ulan ng iba pang weather disturbances.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko lalo na ang mga residenteng malapit sa Ilog Magat na mag-ingat at maging disiplinado sa pagsunod sa mga abiso ng NIA-MARIIS upang makaiwas sa aksidente sa mga ilog dahil sa patuloy na pagrelease ng tubig sa dam.