CAUAYAN CITY- Planong magsagawa ng night class ang Cauayan City Stand Alone Senior High School ngayong Academic Year 2024-2025.
Ito ay tugon sa kakulangan ng mga classrooms at iba ipang facilities sa naturang paaralan dahil sa pagdami ng kanilang enrollees ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Mina, Principal ng Cauayan City Stand Alone Senior High School, sinabi niya na gusto nilang i-cater ang lahat ng mga enrollees kaya naisipan nilang magsagawa ng night class para hindi siksikan ang mga estudyante tuwing umaga.
Nasa mahigit 3,700 ang enrollees nila ngayong taon at 71 lamang ang mga silid aralan.
Kung susundin aniya ang standard na bilang ng mga estudyante sa isang classroom na 40-45 ay kulang pa sila ng nasa 20 na silid aralan.
Nilinaw naman niya na prayoridad sa night class ang mga working student at mga estudyante na mayroon ng anak at ang mga nakatira sa poblacion area.
Kung sakali aniya na maaprubahan ang kanilang request ay mag-uumpisa ang klase ng 4:30 ng hapon hanggang 9:30 ng gabi
Nagsagawa na aniya sila ng survey sa mga enrollees kung sinu-sino ang mga gustong mag enroll sa night class pero kinakailangan muna nilang magsagawa ng screening para masuri ng maigi kung qualified ba sila sa pang-gabing klase.
Magsusumite din aniya sila ng letter sa tanggapan ng alklade ng lungsod ng upang ipaalam ang kanilang plano na pagkakaroon ng night class para na din sa pagde-deploy ng mga security personnel sa bisinidad ng paaralan.