Unang kinutya ang isang low-budget Chinese animated film dahil sa ‘pangit’ nitong visuals ang biglang naging viral hit matapos dagsain ng mga manonood ang mga sinehan.
Kumita lamang ang “Niu Lai” o “Here Comes the Cow” ng humigit-kumulang 7,000 yuan sa unang linggo nito noong Agosto 5, ngunit umabot na sa 33.06 million yuan o halos 4.92 million US dollars ang kinita nito sa Chinese box office.
Ginawa ng mag-ina ang pelikula sa loob ng limang taon, frame by frame, at sinusundan nito ang kuwento ng isang guya na si Niu Lai.
Dahil sa kakaibang animation, awkward na dialogue at nakakatawang kilos ng pangunahing karakter, mabilis itong kumalat sa social media at naging dahilan para mas dumami ang gustong manood.
Ayon sa ilang manonood, “so bad, it’s so good” ang pelikula, habang ikinatuwa naman ng iba ang pagiging simple at hindi perpekto nito.
Sa kabila ng halos walang tradisyunal na promosyon, sumikat ang pelikula online at nagsimula na ring maglabas ng mga merchandise gaya ng damit, figurine at keychain na tampok ang dilaw na karakter.





