Nilinaw ng Pamahalaang Panlungsod ng Santiago ang mga patakaran sa pangongolekta ng basura sa mga komunidad, partikular na ang mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mario De Guzman II, City Environment and Natural Resources Officer, sinabi niya na ang mga barangay ang pangunahing responsable sa pangongolekta ng basura mula sa mga kabahayan.
Iginiit niya na kinakailangang maayos na nakahiwalay o nakasegregate ang lahat ng basura bago ito dalhin sa Material Recovery Facility (MRF) ng bawat barangay, kung saan isinasagawa ang karagdagang pag-uuri at pagproseso ng mga recyclable at biodegradable na basura.
Samantala, ang City Government naman ang namamahala sa pangongolekta ng basura sa mga pangunahing lansangan tulad ng national highway, mga pamilihan, terminal, at iba pang mataong lugar sa lungsod.
Binigyang-diin ni De Guzman na mahigpit na ipinatutupad ang “no segregation, no collection policy,” kung saan hindi kokolektahin ang mga basurang hindi maayos na nasegregate. Layunin nito na mapababa ang dami ng basura na napupunta sa landfill at mapalakas ang recycling at composting sa mga komunidad.
Dagdag pa niya, maaaring patawan ng multa at iba pang kaukulang parusa ang mga residenteng hindi susunod sa tamang waste segregation, alinsunod sa umiiral na lokal na ordinansa. Hinihikayat din niya ang publiko na makiisa sa programa upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran sa lungsod ng Santiago.






