--Ads--

Nananatiling hati ang pananaw ng mga miyembro ng National Public Transport Coalition pagdating sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi nito na ilan sa kanilang miyembro ay humihiling ng Accountability at imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyong ibinabato laban sa pangalawang pangulo. Gayunman, ilan sa kanilang hanay ay kinukwestiyon din umano ang impeachment at sinasabi na dapat dapat unahin ng pamahalaan ang ilan sa mas mahahalagang isyu gaya ng flood control.

Sa kabila nito, naniniwala si Lim na dapat maging patas ang pamahalaan sa pagtugon sa iba’t ibang mga isyu at iwasang pulitikahin ito upang makamit ang tunay na accountability.

Aniya, dapat aniyang harapin ni VP Sara ang mga paratang laban sa kaniya at patunayan na siya ay inosente ganyundin sa hanay ng pamahalaan pagdating sa usapin din ng korapsyon ng ilang ahensya at matataas na opisyal.

--Ads--

Kasabay ng pagsisimula ng impeachment trial ni VP Sara ngayong Lunes, inaasahan din ang pagdagsa ng mga raliyista sa labas ng Senado at mga kalapit na lugar.

Ayon kay Lim, ang mga ganitong uri ng pagkilos ay hindi maikakailang may epekto sa hanay ng transportasyon lalo na kapag isinagawa sa mga pangunahing kalsada.

Umaasa naman siya na matapos na ang pulitikahan sa bansa na para sa kaniya ay nagpapagulo lamang sa Pilipinas.