--Ads--

Binigyang diin ng convenor ng National Public Transport Coalition na malinaw na lumabag sa mga batas trapiko ang ilang mga kasali sa BOSS Ironman Challenge Mindanao Cup 2026 na ginanap sa General Santos City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, convenor ng National Public Transport Coalition, mayroong guidelines na dapat sundin ang mga motorista at isa na rito ang speed limit na dapat ay nasa 80 km/hour lamang. Hiwa-hiwalay sila at naging magulo umano ang nasabing aktibidad.

Aniya, malaki ang pagkukulang ng mga organizers ng nasabing event. Marami umanong malalaking motorsiklo ang gumagamit ng blinkers na nasabi nang bawal. Kung kaya’t nararapat lamang na patawan sila ng show cause order para makausap at masabi ang mga nakitang pagkakamali para hindi na maulit sa susunod na panahon.

Kung susundin ang guidelines na ibinigay sa kanila at maayos ang pagma-marshal ng mga organizers, hindi ito aabot sa ganito.

--Ads--

Aniya, personal niya itong nakita at hindi niya mawari kung ito ba ay pasikatan o payabangan. Hindi umano klaro kung ano ang gustong ipakita ng mga organizers sa BOSS Ironman Challenge.

Dagdag niya, hindi na dapat pang payagan ang naturang event sa mga susunod na taon kung paulit-ulit na lamang na may nangyayaring aksidente.

Matatandaan na ito ang naging sanhi ng maraming banggaan, na kinasasangkutan ng parehong kalahok sa event at mga sibilyang sasakyan. Pinakamasaklap ay ang isa sa mga banggaan na ikinamatay ng isang 7-taong-gulang na bata.