Pinalagan ng National Public Transport Coalition ang pahayag ng Palasyo ng Malakanyang na “Premature” ang kahilingan ng transport sector na dagdag pasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa isang Press Conferrence nitong Biyernes, inihayag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi napapanahon fare hike sa ngayon dahil sa 1 peso provisional increase noong 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na bagama’t may pagtaas na piso sa pamasahe noong 2023 ay ibang-iba ito sa panahon ngayong 2026 na nagtaas na ang lahat ng presyo ng mga bilihin.
Aniya, kailangang pag-aralan ng maigi ng pamahalaan at ng mga eksperto ang sitwasyon dahil hindi hihiling ang kanilang hanay ng dagdag pasahe kung hindi kailangan.
Mainam aniya na pangmatagalang solusyon ang isipin ng pamahalaan at hindi lang basta ayuda na pahirapan pang makuha.
Hindi rin pabor ang NPTC sa pahayag na posibleng mas bigyang pansin ng LTFRB ang dagdag pasahe sa mga buses na walang temporary fare hike.
Aniya, sa mga ganitong pagkakataon ay wala dapat paboran ang pamahalaan lalo na at pare-pareho lamang silang namamasada at naapektuhan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.











