Iginiit ng National Public Transport Coalition (NPTC) na bagamat malaking ginhawa ang inaasahang mahigit ₱20 rollback sa presyo ng diesel, nananatili pa ring mabigat ang epekto ng mataas na produktong petrolyo sa sektor ng transportasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, convenor ng grupo, sinabi nito na malaking tulong sa mga tsuper at operator ang naturang rollback dahil direkta itong nakakaapekto sa kanilang kita.
Gayunman, binigyang-diin ni Lim na hindi pa rin ito sapat kaya patuloy ang kanilang panawagan sa pamahalaan na magpatupad ng pangmatagalang solusyon, kabilang ang pagbibigay ng fuel subsidy sa pamamagitan ng fleet card sa halip na cash assistance upang masigurong direkta itong napupunta sa aktwal na konsumo ng sasakyan.
Dagdag pa nito, isinusulong din nila ang pag-review sa Oil Deregulation Law dahil umano sa limitadong kakayahan ng gobyerno na kontrolin ang presyo ng langis sa ilalim ng nasabing batas.
Patuloy rin aniyang isinasagawa ang mga pagdinig sa Kongreso kung saan inilalatag ng iba’t ibang sektor ang kanilang mga rekomendasyon upang matugunan ang problema sa mataas na presyo ng petrolyo.
Samantala, kaugnay sa usapin ng tigil-pasada, sinabi ni Lim na kusa itong mangyayari kung hindi na kakayanin ng mga driver ang patuloy na pagtaas ng gastos sa krudo.
Umaasa naman ang grupo na makakabuo ang pamahalaan ng konkretong hakbang upang maiwasan ang malawakang transport strike at mabigyan ng sapat na tulong ang mga tsuper at operator.











