--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagbabala ang National Telecommunications Commission o NTC Region 2 kaugnay sa hindi otorisadong paggamit ng two-way radio.

Sa isinagawang Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran o UP-UP Cagayan Valley ng Tactical Operations Group o TOG2 ay inihayag ni Engr. JOKIER JOAQUIN ABRIGO, Engineer 1 ng NTC Region 2 na ang mga nabibili online na two-way radio ay hindi nila binibigyan ng lisensya.

Aniya, kapag bibili ay may permit to purchase at kailangan din nilang tiyakin na ang pagbibilhan ay may radio dealers permit na kinukuha rin ng kanilang tanggapan para malaman kung lehitimo ang isang radio dealers.

Dahil dito, dinidiscourage nila ang pagbili online dahil hindi ito legal.

--Ads--

Hindi rin aniya basta-basta ang pagbili ng radio dahil kailangan na konektado sa isang kompanya o organisasyon at dadaan pa rin sa permit to purchase.

Nahuhuli naman nila ito sa pamamagitan ng inspection at may karapatan silang mag-inspect kapag nalaman nilang iligal ang kanilang ginagamit na radio.

May mga nahuhuli na rin sila na nabili sa authorized dealer pero lumalabas na iligal dahil walang lisensya kaya kailangan pa ring magtungo sa kanilang opisina para kumuha ng lisensya.

Ang multa aniya ay aabot sa dalawang libong piso hanggang limang libong piso sa bawat unit at mayroon na ring administrative case dahil magsisilbi na ng notice of violation ang NTC kapag napag-alaman na walang lisensya ang isang tao na gumagamit ng two-way radio.