Pinaigting pa ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office ang kanilang isinasagawang inspection sa mga drainage canal sa lalawigan matapos ang tangkang pagnanakaw sa isang pawn shop sa nasabing lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office sinabi niya sa kanilang isnagawang monitoring sa mga kanal ay wala naman silang mga natagpuang kagamitan na posibleng ginagamit sa tunneling ng mga kawatan.
Ito ay kasunod ng nangyaring tangkang panloloob sa isang pawnshop sa lalawigan sa nakalipas na linggo.
Mabuti na lamang aniya at napansin ng kalapit na bahay ang ginagawang pagbakbak sa flooring ng pawnshop at namukhaan din ang isang lookout sa labas ng establisimento na siya ring suspek sa panloob sa isang bangko sa Santiago City.
Aniya dayo lamang sa lugar ang mga suspek na notoryus na termite gang na nag-ooperate sa Region 2.
Sa ngayon ay patuloy ang kanilang paalala sa mga establisimento na tiyaking mayroong CCTV na konektado sa PNP, may bakod at may guwardiya upang hindi mapasok ng mga magnanakaw.
Tiniyak naman niya ang patuloy na foot at mobile patrolling ng PNP sa mga komunidad upang mag-alangan ang mga masasamang loob sa kanilang mga binabalak.
Patuloy din ang isinasagawa nilang project scuba o ang pagsuyod sa mga drainage canals na ginagamit ng mga magnanakaw sa paggawa ng tunnel papasok sa mga establisimento.