CAUAYAN CITY – Sang-ayon ang isang ofw sa Kuwait sa hakbang ni Pangulong Duterte na pagpapauwi na sa mga Pilipino roon na gusto nang umuwi dahil sa problema sa kanilang amo.
Sa naging exklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gng. Rosalie Abadilla, tubong Matina, Davao City na nagpapasalamat siya sa hakbang ng Pangulo dahil gusto lang niyang mailigtas ang mga OFW na biktima ng pagmamaltrato ng kanilang amo.
Marami aniya ang Pinay sa Kuwait ang biktima ng pagmamalupit ng kanilang amo.
May mga namatay na hindi na nakamit ang hustisya.
Pinayuhan niya ang mga nais pumunta sa Kuwait na huwag nang ituloy dahil walang katiyakan kung mapupunta sila sa mabuti o malupit na amo.
Sa kanyang panig, sinabi ni Gng. Abadilla na ayaw muna niyang umuwi dahil wala pa siyang ipon para makapag-apply ng trabaho sa ibang bansa.
Kapag nakauwi siya sa Pilipinas ay ayaw na niyang bumalik sa Kuwait.




