Nanawagan ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin ang mga kompanya ng langis na boluntaryong magbigay ng diskwento sa mga bulnerableng sektor na lubhang apektado ng mataas na presyo ng gasolina, diesel, at iba pang produktong petrolyo dahil sa tensyon sa Middle East.
Aniya, sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay, maaaring ipakita ng malalaking kumpanya ang malasakit sa mga kababayan sa pamamagitan ng makatwirang diskwento, lalo na sa mga magsasaka, mangingisda, freight operators, at driver ng pampublikong sasakyan.
Ayon kay Garbin, dahil sa patuloy na mataas na presyo ng gasolina at diesel, napipilitan ang maraming motorista na bawasan ang kanilang biyahe o iparada ang sasakyan, na nagdudulot ng epekto sa buong supply chain, mula sa transportasyon hanggang sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain.
Nanawagan rin ang mambabatas ng maayos at dahan-dahang pagtaas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) upang hindi mabigla ang mga pamilya at maliliit na negosyo tulad ng mga karinderya.
Ayon kay Garbin, ang Pasko ng Pagkabuhay ay paalala ng kabutihan at responsibilidad ng bawat isa, at dapat ipakita ng mga kumpanya ang malasakit sa panahong ito upang maibsan ang hirap ng ordinaryong mamamayan.








