Ipinaliwanag ng isang abugado ang kahulugan ng Oil Deregulation Law at kung ano ang epekto nito sa publiko at sa pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, CPA Lawyer, sinabi niya na ang ang Oil Deregulation Law o Republic Act No. 8479 ay batas na nag-aalis ng regulasyon sa presyo ng langis at mga produktong petrolyo sa Pilipinas.
Bago ipatupad ang batas noong 1998, kontrolado ng gobyerno ang presyo, may itinakdang maximum price para pamahalaan ang singil ng mga gasolinahan.
Dahil dito, hindi agad nararamdaman ng mamimili ang pagtaas ng pandaigdigang presyo, ngunit nagdudulot ng shortage kapag hindi kumikita ang oil companies at nagiging pabigat sa gobyerno ang subsidy sa pamamagitan ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF).
Aniya noong hawak pa ng pamahalaan ang Petron, na-iistabilize ang presyo.
Ipinasa ang batas noong 1998 upang palayain ang merkado upang gawing mas competitive, at mas maayos ang pamamahala ng suplay ng langis. May kontrol pa rin naman aniya ang gobyerno sa pamamagitan ng DOE, ngunit limitado na lang sa monitoring upang pigilan ang monopolyo.
Sa kasalukuyang krisis sa petrolyo, maraming nagmumungkahi na pansamantalang suspinde ang batas at tanggalin ang excise tax.
Kung mangyari ito, babalik sa gobyerno ang kontrol sa presyo sa loob ng takdang panahon, na magbibigay ng pansamantalang ginhawa sa mamimili, lalo na sa biglaang pagtaas ng presyo sa merkado.
Ang problema lang ay hindi gumagalaw nang mabilis ang mga policy-determining bodies ng pamahalaan at mas binibigyang pansin ang mga pampulitikang isyu.
Kung pansamantalang isuspinde lang ang Oil Deregulation Law, maibabalik ng gobyerno ang kontrol sa presyo ng langis sa loob ng takdang panahon.
Ito ay magbibigay ng pansamantalang ginhawa sa mamimili dahil hindi agad tataas ang presyo sa gasolinahan, lalo na sa panahon ng krisis o biglaang pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado.











