Nanawagan ang mga magsasaka ng sibuyas sa Isabela sa pamahalaan na maglunsad ng mas maraming pagsasanay at programa upang higit na mapahusay ang kanilang kaalaman sa pagtatanim at mapataas ang kanilang produksyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Anica Balantok, pangulo ng Burgos-Ramon OFW Agriculture Cooperative, inamin niyang nangangapa pa rin sila sa wastong pamamaraan ng pagtatanim ng sibuyas, lalo na’t dalawang taon pa lamang mula nang magsimula silang magtanim nito.
Ayon sa kanya, mahalaga ang patuloy na pagsasanay at technical support mula sa pamahalaan at mga eksperto upang mapabuti ang kanilang ani at maiwasan ang pagkalugi. Kabilang dito ang tamang pagpili ng binhi, wastong paraan ng pagtatanim, tamang paggamit ng pataba, at epektibong pagkontrol sa peste at sakit ng pananim.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng tamang pangangalaga sa punla mula sa pagtubo hanggang sa pag-aani upang masiguro ang mataas na kalidad at dami ng ani.
Bukod dito, hiniling din ng mga magsasaka ang pagkakaloob ng makabagong makinarya at kagamitan, tulad ng seeders, irrigation systems, at karagdagang pang post-harvest facilities, na makatutulong upang mapabilis ang kanilang produksyon, mabawasan ang gastos sa paggawa, at mapanatili ang kalidad ng kanilang produkto.
Umaasa ang mga magsasaka na sa pamamagitan ng sapat na suporta mula sa pamahalaan, mas mapapalakas ang industriya ng sibuyas at mas mapapabuti ang kanilang kabuhayan.





