--Ads--

Isang open wire sa extension cord na dumikit sa yero ng bahay ang tinuturong sanhi ng pagkasawi ng mag-asawang sina Hener at Joan Costales at kanilang 10-anyos na anak na si Kurt Genesis sa Barangay San Luis, Solano, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jess Ismael Costales, pamangkin ng lalaking biktima, sinabi niyang bandang alas-6:30 ng gabi noong Hulyo 12 nang marinig nila ang kanilang lolo na humihingi ng saklolo matapos matagpuang nakabulagta ang tatlong biktima sa tabi ng poso malapit sa kusina ng kanilang bahay.

Ayon kay Costales, habang sinusubukan nilang sagipin ang mga biktima ay nakaramdam din sila ng kuryente nang mahawakan ang isa sa mga ito. Dahil dito, agad nilang ibinaba ang circuit breaker bago tuluyang mailayo ang mag-anak mula sa pinagmumulan ng kuryente.

Inuna nilang buhatin ang 10-anyos na si Kurt Genesis, sinundan ng ina nitong si Joan, habang nasa pinakailalim naman ang amang si Hener.

--Ads--

Batay sa pagsusuri ng mga electrician ng Nueva Vizcaya Electric Cooperative (NOVELCO), natukoy na ang pinagdugtong-dugtong na extension cord ay may bahaging hindi natakpan ng electrical tape dahilan upang dumikit ang open wire sa yero ng bahay.

Dahil dito, kumalat ang kuryente sa yero at umabot sa metal na sampayan na nakakabit dito.

Batay sa paunang impormasyon ng pamilya, pinaniniwalaang nagsasampay ng damit si Hener nang makuryente ito. Naidamay naman ang kanyang anak na si Kurt Genesis, isang Grade 5 student, habang papunta sana upang maligo.

Pinaniniwalaan ding sinubukan ni Joan na tulungan ang mag-ama ngunit nakuryente rin siya.

Nakaligtas naman ang bunsong anak ng pamilya na tatlong taong gulang dahil nasa loob ito ng bahay at nanonood sa cellphone nang mangyari ang insidente.

Agad na dinala sa ospital ang tatlong biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Sa kasalukuyan, nakaburol na ang labi ng mag-anak sa kanilang tahanan sa Barangay San Luis, Solano, Nueva Vizcaya.

Samantala, nagpasalamat si Jess Ismael Costales sa mga nagpaabot ng tulong at pakikiramay sa kanilang pamilya kasunod ng sinapit na trahedya.