Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na may dahilan ang kanyang naging pahayag noong 2024 tungkol sa umano’y pagpatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa naging pagdinig ng impeachment trial, sinabi ni Atty. Mark Vinluan, depensa ni VP Sara na ang pahayag nito ay tugon umano sa tinatawag na “Operation Romanov,” na aniya’y isang planong naglalayong patayin ang Ikalawang Pangulo at ang kanyang buong pamilya.
Kung kaya’t ito raw umano ang nagtulak kay Duterte na magbitaw ng pahayag sa mga matataas na opisyal. Nagsalita daw ang Bise upang ipagtanggol lang ang kanyang pamilya laban sa umano’y mga banta na kanyang natatanggap.
Naging target umano si VP Sara ng hindi awtorisadong intelligence at surveillance operations.
Aniya, kabilang sa mga ito ang umano’y pag-profile sa kanyang mga bahay sa Davao at Maynila, pagtanggal sa ilan niyang security personnel, at pagbibigay ng kanyang iskedyul sa isang opisyal na aktibidad sa Naga, na nagdulot umano ng matinding pangamba sa kanyang seguridad.
Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation na sinubukan nilang imbestigahan ang umano’y ”Operation Romanov.”
Ayon kay NBI Senior Agent Mark Calilung, inimbitahan nila si Vice President Duterte at si Princess Maui upang magbigay ng detalye tungkol sa sinasabing banta, ngunit hindi umano dumalo ang dalawa.
Nanindigan ang NBI na handa itong siyasatin ang anumang ulat ng banta sa buhay ng bise presidente, ngunit kinakailangan umano ang pakikipagtulungan ng mga sangkot.
Ang ”Romanov” ay hinango mula sa angkan ng huling pamilya ng hari ng Russia na pinaslang noong 1918 kasama ang kanyang kanyang asawa, at kanilang limang anak kasunod ng Bolshevik revolution.








