Nagtatag ng Operations Assistance Desk ang pinagsanib-pwersa ng mga awtoridad sa lungsod ng Santiago ngayong Holy week, upang tiyakin ang kaligtasan at kaayusan ng publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, City Government Department Head I ng DPOS Santiago City, sinabi nito na layunin ng naturang hakbang na mapabilis ang pagtugon sa anumang insidente at maayos na mamonitor ang sitwasyon sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, lalo na sa mga matataong lugar.
Ayon kay Ginoong Cabanos, kabilang sa mahigpit na babantayan ng mga otoridad ang daloy ng trapiko, lalo na sa mga pangunahing lansangan at lugar na dinadagsa ng mga biyahero at deboto.
Magkakaroon din ng koordinasyon ang iba’t ibang ahensya upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at agad na matugunan ang anumang emergency.
Dagdag pa nito, tututukan din ng mga awtoridad ang mga ilog at iba pang pampublikong lugar na karaniwang pinupuntahan ng mga residente at turista para magpalipas ng oras ngayong bakasyon.
Mahigpit na ipatutupad ang pagbabantay sa mga naturang lugar upang maiwasan ang aksidente, lalo na ang pagkalunod at iba pang insidente.
Kasabay nito, ipinaalala rin ng DPOS ang mahigpit na pagbabawal sa pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar, partikular sa mga ilog at pasyalan, upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang gulo o kapahamakan.
Tiniyak naman ng mga otoridad na nakahanda ang kanilang hanay sa buong panahon ng Semana Santa, at patuloy ang kanilang panawagan sa publiko na makiisa, sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin, at pairalin ang disiplina upang maging ligtas at mapayapa ang paggunita ng banal na okasyon.
--Ads--











