--Ads--

CAUAYAN CITY – Mahigpit ang isinagawang pagbabantay ng pulisya sa biktima ng pamamaril kamakailan sa Chairman of Board ng Fico Bank sa Luzon Bridge, Cabatuan, Isabela

Magugunitang pinagbabaril ng hindi pa nakikilang kalalakihan na sakay ng SUV ang biktimang si Erwin Tabucol,54 anyos, may asawa, at residente ng San Rafael, Roxas, Isabela.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa Cabatuan Police Station, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa naganap na insidente upang matukoy ang iba pang anggulo sa pamamaril sa biktima.

Makikipag-ugnayan din sila sa ibang himpilan ng pulisya kung saan mayroon din naganap na pamamaril sa ilang kawani ng nasabing bangko.

--Ads--

Nakausap na rin umano nila ang biktima na unang sumailalim sa operasyon subalit hindi muna nagbigay ng karagdagang impormasyon ang pulisya.

Nauna na ring lumabas sa pagsisiyasat ng mga otoridad na mismong nagtungo ang biktima sa kanilang himpilan upang iulat ang naganap na pamamaril sa kanya ng hindi pa nakikilang kalalakihan na sakay ng pulang SUV na walang plaka.

Nagtamo ng daplis ng tama ng bala sa kanyang leeg, kamay at braso ang biktima na agad nagmaneho ng mabilis patungo sa himpilan ng pulisya upang matakasan ang mga suspek.