Pinaigting ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga bahay-inuman at bahay-aliwan sa Santiago City sa ilalim ng ipinatutupad na Oplan Sita.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Stephen Carandang, Operation Officer ng Santiago City Police Station 4, kabilang sa kanilang hakbang ang pinaigting na presensya ng pulisya sa mga lugar na may mataas na insidente ng kaguluhan upang maiwasan ang anumang krimen.
Sa ilalim ng Oplan Sita, nagsasagawa ng regular na inspeksyon ang mga pulis upang matiyak na nasusunod ang umiiral na batas.
Kabilang dito ang pagbabawal sa pagdadala ng mga mapanganib na bagay gaya ng baril, patalim, at iba pang maaaring gamitin sa karahasan sa loob ng mga establisyemento.
Dagdag pa ni Carandang, layunin ng operasyon na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko, lalo na sa gabi kung kailan mas aktibo ang mga ganitong lugar.
Samantala, patuloy ang paalala ng pulisya sa mga may-ari ng bahay-inuman at mga parokyano na sumunod sa mga regulasyon upang maiwasan ang anumang insidente at mapanatili ang kapayapaan sa lungsod.







