--Ads--

Mahigpit nang ipagbabawal ang pag-inom ng mga nakalalasing na inumin sa mga lansangan at eskinita sa Barangay Dubinan East sa oras na tuluyang mapagtibay ng Sangguniang Panlungsod ng Santiago City ang Ordinance No. 03, Series of 2026 na nauna nang pinagtibay ng Sangguniang Barangay ng nasabing lugar.

‎Isinusulong ang naturang ordinansa bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng barangay laban sa mga kaguluhan at iba pang banta sa kaayusan at seguridad ng pamayanan, kasunod ng mga reklamong may kaugnayan sa paggamit ng mga pampublikong lansangan bilang lugar ng pagdaraos ng inuman.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Michael Dungo, sinabi nitong mahalagang maipatupad ang naturang hakbang sapagkat may mga pagkakataong nagsisilbing mitsa ng mga alitan at iba pang uri ng kaguluhan ang pag-inom ng alak sa gilid ng kalsada, na sa kalaunan ay maaari ring mauwi sa mga insidenteng may bahid ng kriminalidad.

‎Ayon pa kay Dungo, higit na kinakailangan ang pagpapatibay ng naturang regulasyon dahil matatagpuan sa barangay ang isang malaking unibersidad at patuloy na dumarami ang mga boarders at iba pang mga nangungupahan mula sa iba’t ibang bayan, dahilan upang higit na mapangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga residente, partikular ng mga mag-aaral at iba pang mamamayang dumaraan sa komunidad.

‎Samantala, ganito ang bahagi ng pagpapahayag ni kagawad Michael Dungo

‎Nakasaad sa ordinansa na ang mga indibidwal na nasa impluwensiya ng alak ay mas madaling makalikha ng mga gawaing nagdudulot ng pampublikong istorbo at may posibilidad na masangkot sa mga komprontasyong maaaring magbunsod ng hindi kanais-nais na pangyayari.

‎Sa sandaling magkabisa ang ordinansa, papatawan ng multang P300 ang unang paglabag, P500 ang ikalawang paglabag at P1,000 ang ikatlo at mga susunod pang paglabag.

‎Magiging ganap na epektibo ang naturang ordinansa labinlimang araw matapos itong mailathala sa mga itinakdang pampublikong lugar, sa sandaling makumpleto ang kinakailangang proseso ng pagpapatibay nito ng Sangguniang Panlungsod ng Santiago City.