CAUAYAN CITY – Magpapalabas ng kautusan ang Prov’l. Gov’t. ng Isabela sa mga munisipyo sa bawat munisipalidad upang higpitan ang pagbabantay ng mga bahay inuman sa mga menor de edad na bibili ng mga nakalalasing na inumin.
Ito ay kasunod ng pagbaril patay kay P/Chief Inspector Michael Angelo Tubania kung saan nagpositibo sa alak ang isa sa dalawang suspek na bumaril sa kaniya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gov. Bogie Dy na padadalhan niya ng memo ang lahat ng Municipal Mayors at City Mayors sa lalawigan upang paigtingin ang pagpapatupad sa naturang ordinansa.
Sinabi niya na malaking problema ang maaaring maidulot ng pag-inom ng alak kaya layunin ng nasabing ordinansa na maiwasan ang kriminen at aksidente sa lansangan.
May karapatan din aniya ang mga LGU na nakakasakop sa mga bahay inuman o bahay kalakal na ipasara ito kung lalabagin ang naturang ordinansa.
Kinakailangan naman umanong magprisinta ng Identification Card ang mga bibili ng alak upang matiyak na nasa tamang edad ang mga ito.
Nakikipag-ugnayan na si Gov. Dy kay Regional Director P/Chief Superintendent Jose Mario Espino ng PRO 2 para sa pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela at Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pagpapaigting ng pagpapatupad ng ordinasa.




