Ikinatuwa ng Office of the Solicitor General (OSG) ang naging desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang kahilingan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa para sa isang temporary restraining order (TRO) at/o status quo ante order (SQAO) kaugnay sa posibleng pag-aresto sa kanya batay sa warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Sa inilabas na pahayag ng OSG, sinabi nitong ang pagtanggi ng Korte Suprema sa kahilingan ni Dela Rosa para sa injunctive relief, kabilang ang TRO, SQAO, at writ of preliminary injunction (WPI), ay indikasyon na walang nakita ang hukuman na sapat na basehan upang pigilan ang implementasyon ng ICC warrant.
Ipinaliwanag ng OSG na kung naglabas ng TRO ang Korte Suprema, mapipigilan sana ang pagpapatupad ng ICC warrant hanggang sa may panibagong kautusan ang hukuman. Samantala, kung naglabas naman ng WPI, magkakaroon din ito ng kaparehong epekto ngunit karaniwang inilalabas lamang matapos mabigyan ng pagkakataon ang mga partido na marinig.
Dagdag pa ng OSG, kung naipatupad na ang ICC warrant, ang isang SQAO naman ay mag-uutos sa mga respondent na ibalik sa dating kalagayan ang mga partido bago nagkaroon ng kontrobersiya.
Tutol ang OSG sa pag-isyu ng anumang injunctive relief dahil, ayon dito, hindi umano napatunayan ni Dela Rosa ang mga pangunahing rekisito na kinakailangan sa ilalim ng batas.
Sinabi rin aniya na ang kaso ni Dela Rosa ay isang pagkakataon upang harapin ng bansa ang mas malalim na usapin hinggil sa pananagutan, katarungan, at tunay na kahulugan ng rule of law sa Pilipinas, lalo na sa harap ng mga alegasyon ng crimes against humanity.
Samantala, nilinaw ng Korte Suprema na ang kanilang naging desisyon ay tumutukoy lamang sa mga kahilingan para sa interim relief gaya ng TRO at SQAO, at hindi pa nito nareresolba ang pangunahing legal na usapin, kabilang ang kung maaaring ipatupad ng mga opisyal ng Pilipinas ang ICC warrant nang walang warrant mula sa lokal na hukuman at kung maaari itong ipatupad sa kabila ng pagkalas ng bansa sa ICC.
Sa ngayon, naghihintay pa ang OSG sa buong desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa iba pang legal na isyu sa kaso.
Matatandaang noong May 11, inilantad ng ICC ang arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity, partikular sa murder, na umano’y naganap mula Hulyo 2016 hanggang Abril 2018, kung saan hindi bababa sa 32 katao ang nasawi sa Pilipinas bilang bahagi ng kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.











