Maghihigpit na ang pamunuan ng Our Lady of the Pillar Parish Church matapos na mabiktima ng pagnanakaw ang isang church goer.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Vener Ceperez ang Kura Paroko ng Our Lady of the Pillar Parish sinabi niya na ang insidente ay naganap sa kasagsagan ng misa kung saan ang nasabing biktima ay nag komunyon.
Aniya, inihabilin naman ng biktima ang bag sa kasama subalit dahil lumuhod para magdasal ang kasama nito ay hindi na nito napansin ang bag.
Nakunan naman ng CCTV ang pangyayari at nakumpirma na tinangay ng hindi pa natutukoy na salarin ang bag ng biktima ng hindi nila napapansin.
Humingi naman ng tulong ang biktima subalit huli na dahil dali dali ng umalis ang kumuha ng kaniyang bag, bukod sa kuhang video ng CCTV sa loob ng simbahan ay hindi na nahagip pa ng CCTV sa labas at sa bahagi ng City hall ang magnanakaw.
Dahil sa insidente nagpaalala si Fr. Vener sa mga nagsisimba na hanggat maaari ay bantayan ang gamit kung magkukumonyon at maaari namang dalhin lalo na kung may dalang mahalagang bagay o malaking halaga ng salapi.
Hindi naman maiwasan ni Fr. Vener na malungkot dahil naganap mismo ang insidente sa loob ng simbahan.
Hindi naman ito ang unang insidenteng nagkaroon ng nakawan sa bisinidad ng simbahan lalo na noong kasagsagan na talamak ang pagnanakaw ng motorsiklo at pagbubukas ng Utility box ng mga naiiwang nakaparadang motor sa labas ng simbahan maliban pa sa isang petty crime kung saan may mangilan-ngilan ding biktima.
Plano nila ngayon na magdagdag ng CCTV camera sa loob maging sa labas ng Simbahan para mabantayan o kung hindi man madali na lamang mahuhuli ang mga gumagawa ng ganitong krimen sa loob ng simbahan.