--Ads--

Inilahad sa ika-14 na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga aktibidad na pinaggastusan umano ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022, kabilang ang mga Christmas event, consultation meetings, tree-planting activities at medical missions.

Sa kanyang testimonya sa Senate Impeachment Court, sinabi ni COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) Supervising Auditor Xylene Mae Del Campo na kabilang sa mga aktibidad na iniulat ng OVP bilang bahagi ng paggamit ng confidential funds ang Partners Appreciation Night sa Mandaluyong City, Youth Campaign on Patriotism sa Baguio City, at iba’t ibang Christmas activities at consultation meetings sa Metro Manila.

Kabilang din sa mga nakalistang aktibidad ang tree-planting programs, pamamahagi ng wheelchairs, at medical missions.

Ayon kay Del Campo, isinagawa ang mga aktibidad mula Disyembre 13 hanggang 31, 2022, samantalang inilabas lamang ang kaukulang cash advance para sa confidential funds noong Disyembre 21 ng parehong taon.

--Ads--

Nabunyag sa pagdinig na maaaring may paglabag sa umiiral na patakaran ng Commission on Audit (COA) dahil hindi pinahihintulutan ang paggamit ng confidential funds bilang reimbursement para sa mga gastusing nagawa bago mailabas ang cash advance.

Kinumpirma rin ni Del Campo na nagsumite ang OVP ng tugon sa COA noong Marso 2024 at kalakip nito ang mga dokumentong may kaugnayan sa 105 aktibidad na isinagawa noong Disyembre 2022 bilang suporta sa liquidation ng confidential funds.

Patuloy namang ginagamit ng prosekusyon ang testimonya ng COA auditor upang patunayan ang umano’y mga iregularidad sa paggamit ng confidential funds ng OVP noong panahon ni Vice President Sara Duterte.