CAUAYAN CITY – Sinadya umanong sunugin ang 1.4 milyong pisong halaga ng reforestation project ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa Brgy. Sindun Bayabo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Environment and Natural Resources Officer o PENRO Geronimo Cabaccan, sinabi niya na nasa mahigit limampung ektarya ang natupok ng apoy.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga otoridad tungkol sa naging dahilan ng sunog na sumira sa proyektong Plant a Million trees a day ng pamahalaang panlalawigan noong Disyembre 2019.
Aniya ito na ang pangalawang beses na nasunog ang nasabing lugar kung saan isinagawa ang reforestation project.
Nasa limamput limang libong seedlings ang naitanim sa nasabing lugar.
Posibleng sinadya ang pagsunog sa lugar dahil naagapan ang unang pagsiklab ng sunog noong ikalabing lima ng Mayo ngunit kinabukasan ay muling nagkaroon ng sunog kung saan hindi na naagapan pa ng mga otoridad.
Ayon kay PENRO Cabaccan maaaring ganti rin ito ng mga nahuling nagsasagawa ng illegal logging sa lugar.
Muli namang nagpaalala ang PENRO sa mga mamamayan na iwasan na ang pagsusunog upang mapangalagaan ang kapaligiran at para na rin sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.