Naghain ang 11 miyembro ng House of Representatives ng House Bill No. 10648 o ang Pambansang Agapay sa Pamilya at Maliliit na Negosyo (PAMANA) Act, na naglalayong magbigay ng karagdagang tulong pinansyal sa mga pamilyang kumikita lamang ng minimum wage.
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ang mga kwalipikadong pamilya ng ₱1,000 kada buwan na direktang ipapasok sa isang digital wallet na nakaugnay sa Philippine Identification System (PhilSys).
Kabilang sa mga maaaring maging benepisyaryo ang mga pamilyang pinamumunuan ng minimum wage earner, rehistrado sa PhilSys at hindi kasalukuyang tumatanggap ng ayuda mula sa 4Ps. Maaari ring mag-aplay ang mga self-employed at informal sector workers na kumikita ng katumbas o mas mababa sa regional minimum wage sa pamamagitan ng kanilang lokal na tanggapan ng social welfare and development.
Ayon kay Tingog Party-list Representative Jude Acidre, maraming minimum wage earners ang araw-araw na nagtatrabaho ngunit nahihirapan pa ring tustusan ang gastusin sa pagkain, transportasyon, kuryente, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.
Gayunman, hindi maaaring i-withdraw bilang cash ang buwanang ayuda. Sa halip, maaari lamang itong gamitin sa pagbili ng mga produkto at serbisyo mula sa mga accredited micro, small and medium enterprises (MSMEs) tulad ng mga sari-sari store, puwesto sa palengke, karinderya, neighborhood grocery, botika at iba pang kwalipikadong maliliit na negosyo.
May itinakda ring limitasyon na hanggang ₱200 lamang kada araw ang maaaring gastusin ng benepisyaryo. Ang hindi magagamit na halaga ay mananatili sa digital wallet at maaaring magamit sa mga susunod na araw.
Hindi rin maaaring gamitin ang ayuda sa online gambling, pagbili ng alak, sigarilyo at iba pang produktong hindi saklaw ng programa.
Ayon naman kay La Union Representative Francisco Paolo Ortega, layunin ng panukala na hindi lamang matulungan ang mga pamilyang nangangailangan kundi maging ang mga maliliit na negosyante sa komunidad sa pamamagitan ng pagpapalawak ng lokal na paggastos.
Sakaling maging batas, pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang programa katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Information and Communications Technology (DICT), Philippine Statistics Authority (PSA), at Department of Labor and Employment (DOLE).
Tinatayang mangangailangan ang programa ng pondong nasa pagitan ng ₱64 bilyon hanggang ₱68 bilyon kada taon, na mas mababa sa isang porsiyento ng ipinanukalang pambansang badyet para sa 2026. Ang pondo para rito ay kukunin sa itatatag na PAMANA Trust Fund mula sa ilang mapagkukunan ng kita ng pamahalaan.











