--Ads--

Magsasagawa ng hiwalay na full-scale investigation ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay sa alegasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV na umano’y P181 milyon na pumasok sa bank accounts ni Vice President Sara Duterte ay mula sa sinasabing drug lord na si Sammy Uy.

Sa opening statement ni House Committee on Justice chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro sa impeachment proceedings nitong Abril 29, sinabi niyang hindi dapat isantabi ang mga paratang lalo na’t kinumpirma umano ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang ilang detalye ng mga transaksyon.

Ayon kay Luistro, lumabas sa imbestigasyon ang mga pangalang Michael Yang at Sammy Uy na may kaugnayan sa malalaking halaga ng pera, kaya’t dapat itong masusing siyasatin.

Binanggit din niya ang testimonya ni Trillanes na nagsasabing sangkot umano ang mga naturang personalidad sa iligal na droga, at hindi umano ito naimbestigahan nang maayos noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

--Ads--

Giit pa ng mambabatas, kailangan pang tukuyin ang buong lawak ng sinasabing network kung sino ang sangkot, paano gumalaw ang pera, at saan ito nagmula.

Ayon pa kay Luistro, bagama’t matagal nang lumulutang ang mga alegasyon, mas naging makabuluhan ito matapos umanong maikumpara sa mga rekord ng AMLC, kaya’t nanawagan siya ng hiwalay at mas malalim na imbestigasyon.