--Ads--

Aabot sa mahigit dalawang milyong pisong halaga ng Marijuana bricks ang nakumpiska ng mga otoridad sa isinagawang entrapment operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng kapulisan sa Tabuk City, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Investigation Agent 5 Rosario Abella ng PDEA Nueva Vizcaya Provincial Office, sinabi niya na nagkaroon sila ng transaksyon sa isang suspek sa pamamagitan ng Facebook.

Matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa iligal na aktibidad ng suspek partikular ang pag-iingat ng mga marijuana bricks ay agad silang naglatag ng entrapment operation.

Gayunman, habang isinasagawa ang operasyon ay mabilis na nakatakas ang suspek nang makuha ang buybust money at makatunog na isang agent ang kanyang katransaksyon sa pagdating ng kasama nito na armado ng itak.

--Ads--

Wala nang nagawa ang buyer kundi hayaan ang mga suspek na makatakas hanggang dumating ang mga operatibang kasamahan nito.

Nakuha ng mga otoridad sa lugar ang mga naiwan ng suspek na aabot sa labingsiyam na marijuana bricks at tinatayang nagkakahalaga ng P2.28 milyon.

Sa ngayon, pinaigting na ng pulisya at ng PDEA ang kanilang koordinasyon sa mga karatig na lugar para sa posibleng pagkakahuli ng tumakas na suspek.

Ayon kay Investigation Agent 5 Abella, noong nakaraang taon pa nila minonitor ang kalakaran ng suspek na kinukulit ang isang agent ng PDEA Nueva Vizcaya sa pagbebenta ng marijuana.

Hindi naman agad na gumawa ng aksyon ang agent dahil tiniyak munang hindi scam ang gawain ng suspek na natukoy na isa sa mga contacts ng nahuli sa isang buybust sa Tabuk City.