--Ads--

Ipinasisiyasat ni Senator Miguel Zubiri, Senate Majority Leader, sa Senate Committee on Finance ang naudlot na pagbili ng barko para sa Philippine Coast Guard (PCG).

Hindi naiwasan ni Zubiri na ihayag ang kanyang pagkadismaya matapos matuklasang ibinalik sa National Treasury ang P2.5 billion na inilaan niya sa Congress of the Philippines upang maisama sa 2024 national budget para sa pagkuha ng bagong barko ng PCG.

Ayon kay Zubiri, noong 2025 ay naisyuhan na ng Authority to Purchase Motor Vehicle at Special Allotment Release Order (SARO) ang proyekto matapos ang mga komunikasyon sa Office of the President of the Philippines. Nagkaroon pa aniya ng huling pre-bid conference noong December ng nakaraang taon.

Subalit sa huli, napag-alamang wala na ang pondo. Dahil dito, kinuwestiyon ng senador kung bunga ito ng kapalpakan sa burukrasya o posibleng katiwalian.

--Ads--

Ayon pa kay Zubiri, malaking panghihinayang ito dahil win-win situation sana ang proyekto. Bukod sa madadagdagan ang mga barkong pampatrolya sa West Philippine Sea na madalas pinapasok ng China, tinatayang tatlong libong Pilipino din sana ang mabibigyan ng trabaho dahil planong gawin ang barko sa isang shipbuilding facility sa Balamban, Cebu, Philippines.