--Ads--

Inaasahan sa susunod na linggo ang paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo. May nakaambang malaking bawas-presyo sa diesel habang nananatiling halos walang paggalaw ang presyo ng gasolina, ayon sa abiso ni Jetti Petroleum president Leo Bellas.

Batay sa paunang pagtataya mula sa unang apat na araw ng trading ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange averages, sinabi ni Bellas na maaaring umabot sa P3 hanggang P3.20 kada litro ang bawas sa diesel. Samantala, ang gasolina ay maaaring walang galaw o kaya’y magkaroon lamang ng bahagyang P0.10 kada litrong dagdag nitong Disyembre 1.

Ipinaliwanag ni Bellas na dulot ito ng market correction matapos humina ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado. Kabilang sa mga nakaapekto ang pag-angat ng kumpiyansa sa posibleng US-brokered ceasefire sa Ukraine. Bagama’t bahagya ring bumaba ang Asian gasoline benchmarks, binigyang-diin niya na mataas pa rin ang premium at freight costs, dahilan upang hindi kasinglaki ang galaw sa presyo ng gasolina.

Inaasahang ia-anunsyo ng mga kompanya ng langis sa unang bahagi ng susunod na linggo ang opisyal na adjustments sa pump prices.

--Ads--