--Ads--

CAUAYAN CITY – Milyun-milyong halaga ng pinaghihinalaang mga bricks ng marijuana ang nadiskubre ng mga awtoridad kasunod ng isang aksidente sa kalsada sa Nasgueban, Appas, Kalinga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ruff Manganip, spokesperson ng Kalinga Police Provincial Office sinabi niya na binabaybay ng isang itim na Honda Civic at isang Red Honda TMX na motorsiklo ang kalsada sa Nasgueban, kung saan ang kotse ay patungo sa Bulanao habang ang motorsiklo ay patungo sa kasalungat na direksyon.

Pagdating sa lugar ng insidente, ay nahagip ng motorsiklo ang kotse na nagdulot upang mawalan ng balanse ang tsuper ng motorsiklo at nadulas ng sampung metro ang layo mula sa pinangyarihan ng aksidente.

Agad na tumawag sa Tabuk Police Station ang tsuper ng kotse upang iulat ang pangyayari ngunit biglang kumaripas ng takbo ang rider at tumakas sa lugar patungo sa Dagupan Centro.

--Ads--

Kalaunan ay napag-alaman ng pulisya sa kanilang pagresponde na tumakas ito dahil sa mga kontrabandong nasa kanyang motorsiklo.

Ayon kay PCapt. Manganip, sa pag-inspeksyon ng mga otoridad sa mga bagay na iniwan ng suspek, nadiskubre nila ang dalawamput limang bricks at tatlong tubular ng hinihinalang Marijuana sa loob ng karton at bag na nakatali sa motorsiklo.

Aabot sa 30.2 kilos ang timbang nito at tinatayang nagkakahalaga ng P3,624,000 ang nasamsam na kontrabando.

Matapos na madiskubre ay agad na itong dinala sa kustodiya ng pulisya para sa imbestigasyon ng mga awtoridad para matunton ang tumakas na suspek.