Pormal nang sinampahan ng 124 counts ng qualified theft ang nakatatandang kapatid ni Kim Chiu na si Lakam kaugnay ng umano’y maling paggamit sa P44.4 milyong pondo ng fashion company nila.
Batay sa resolution ng Quezon City Office of the City Prosecutor, may sapat na basehan ang reklamo matapos suriin ang mga pahayag, bank records at iba pang ebidensya.
Ayon sa prosecutor, umano’y nagsagawa si Lakam ng 124 na hindi awtorisadong withdrawal at online transfer mula sa joint bank accounts ng kumpanya nila mula 2022 hanggang 2025. Ang mga transaksyon ay umano’y ginamit sa casino-related activities, personal na utang at iba pang negosyong walang kaugnayan sa kumpanya.
Itinanggi naman ni Lakam ang mga alegasyon at sinabing awtorisado ang mga transaksyon sa ilalim ng kanilang kasunduan bilang co-owners. Itinanggi rin niyang ginamit ang pera sa pagsusugal at kinuwestiyon ang resulta ng audit.
Samantala, ibinasura ng prosecutor ang reklamo laban sa personal accountant ni Kim na si Helena Tayag dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya na nag-uugnay sa kanya sa umano’y maling paggamit ng pondo.Magpapatuloy ang kaso laban kay Lakam sa korte kung saan maaari niyang ihain ang kanyang depensa.





