--Ads--

Pinadagdagan ng P50 milyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pondo para sa fuel subsidy ng mga magsasaka at mangingisda upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Sa kanyang lingguhang vlog, sinabi ng Pangulo na ang karagdagang pondo ay ilalaan sa mga regional field offices upang matiyak na mas maraming benepisyaryo ang maaabot ng programa.

Aniya, nagpapatuloy na ang implementasyon ng fuel subsidy, ngunit naglaan pa ang pamahalaan ng dagdag na P50 milyon upang mapalakas ang distribusyon nito sa iba’t ibang rehiyon.

Ang Department of Agriculture (DA) ang mangangasiwa sa pamamahagi ng subsidy na layong mapagaan ang gastusin ng mga magsasaka at mangingisda sa kanilang produksyon.

--Ads--

Kaugnay nito, tinukoy din ng Pangulo ang posibleng epekto ng mataas na presyo ng langis sa halaga ng pataba. Ayon sa kanya, nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa mga bansang prodyuser ng fertilizer upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay sa bansa.

Sinabi rin ng Pangulo na sapat pa ang kasalukuyang imbentaryo ng fertilizer hanggang Abril, habang pinaghahandaan na ang suplay para sa mga susunod na buwan, partikular sa Mayo at Hunyo.