Target ng House of Representatives na maaprubahan sa third at final reading pagsapit ng Oktubre 9 ang panukalang P7.2 trilyong pambansang badyet para sa 2027.
Ayon kay House Appropriations Committee vice chairperson at Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr., pasok sa itinakdang timeline ang pag-apruba sa House General Appropriations Bill matapos makumpleto ng komite nitong Martes ang deliberasyon sa panukalang budget ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi ni Momo na magsisimula na sa susunod na linggo ang plenary deliberations at target nilang maipasa sa third reading ang panukalang budget bago matapos ang legislative calendar sa Oktubre 9.
Samantala, pinag-aaralan din ng mga lider ng Kamara na dagdagan ang panukalang P643 bilyong budget ng Department of Public Works and Highways o DPWH para sa 2027.
Ayon kay Momo, kailangan ng karagdagang pondo upang makumpleto ang mga high-impact project gaya ng farm-to-market roads, national highways, tulay at mga proyektong magpapahusay sa inter-provincial at inter-island connectivity.
Kabilang din sa bibigyang-prayoridad ang mga flood control project na may master plan at feasibility study, partikular ang mga nasa lugar na mataas ang panganib sa pagbaha.
Gayunman, hindi pa tinukoy ni Momo kung magkano ang planong idagdag sa panukalang budget ng DPWH.
Lumilitaw ang usapin sa gitna ng kontrobersiya sa umano’y mga iregularidad sa flood control projects, kabilang ang alegasyon na may mga mambabatas na nakatanggap ng kickback mula sa mga kontrata ng public works.
Sa ilalim ng panukalang 2027 budget, pangalawa ang DPWH sa mga ahensyang may pinakamalaking budget allocation, kasunod ng Department of Education na may panukalang P976 bilyon.











