Ibinasura ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na payagan silang i-apela ang naging desisyon tungkol sa mga kasong “crimes against humanity” kaugnay ng ‘war on drugs’ campaign ng dating administrasyon.
Sa 12-pahinang desisyon, magkakasamang ibinasura ng tatlong hukom na sina Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc, Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou, at Judge María del Socorro Flores Liera ang kahilingan ng depensa ng dating pangulo.
Ayon sa kampo ni Duterte masyadong malawak umano ang naging saklaw ng mga kaso. Ngunit ayon sa Prosecution, tama ang naging paglalatag ng korte sa saklaw ng mga kaso ng dating pangulo, at naipaliwanag din umano nito ang mga batayan ng ebidensiya na ginamit sa desisyon.
Sinabi rin ng depensa na hindi raw sapat ang paliwanag ng korte sa ebidensyang ginamit. Pero tugon ng Prosecution, sinunod ng Pre-Trial Chamber ang tamang proseso at hindi kailangang isa-isahin ang lahat ng ebidensya sa naging desisyon nito.
Matatandaang noong Abril 23, kinumpirma ng ICC ang mga kaso laban kay Duterte kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra iligal na droga, kabilang ang mga insidente mula pa noong siya ay alkalde ng Davao City hanggang sa kanyang pagkapangulo.
Kasama sa mga kasong kinakaharap niya ang murder at attempted murder bilang crimes against humanity, na may kinalaman sa mga biktima sa iba’t ibang operasyon sa Pilipinas mula 2013 hanggang 2018.
Samantala, nauna nang ibinasura rin ng ICC Appeals Chamber ang hiwalay na apela ng kampo ni Duterte hinggil sa hurisdiksyon ng korte, at idineklara ring moot o hindi na relevant ang hiling na pagpapalaya sa dating pangulo.
Sinabi ng International Criminal Court (ICC) Registry na patuloy nilang mino-monitor ang kondisyon at galaw ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nakadetine sa The Hague dahil sa kanyang edad at ilang malalang karamdaman.
Sa pitong pahinang dokumento na may petsang Mayo 20, sinabi ng ICC Registry na itinuturing si Duterte bilang isang detainee na may mataas na panganib na matumba, ngunit wala naman umanong naitalang insidente ng pagkahulog sa nakalipas na 30 araw.
Hindi rin nagbigay ng detalye ang ICC tungkol sa kanyang mga chronic condition dahil sa confidentiality ng medical records.
Ayon sa ICC Registry, sa mga bihirang pagkakataong nawawalan umano siya ng balanse, agad siyang tinutulungan ng detention staff at sinusuri ng medical team.
Nagkaroon na rin umano ng mga pagbabago sa kanyang selda at visiting rooms upang maging mas ligtas at komportable ang kanyang paggalaw.
Dagdag pa ng ICC, tuloy-tuloy ang medical care na ibinibigay kay Duterte habang nakakulong siya kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay naging pangulo ng bansa











