--Ads--

Nagpaalala ang PAGASA sa publiko na maghanda at manatiling alerto sa posibleng lalo pang paglala ng matinding init at kakulangan ng ulan sa bansa, kasabay ng umiiral na El Niño alert.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ramil Tuppil, Chief Meteorologist ng PAGASA DOST-Echague Isabela, ipinaliwanag niya na batay sa rainfall condition classification ng ahensya, naranasan ng ilang lugar sa Region 2 ang below normal na pag-ulan. Tumutukoy ito sa sitwasyon kung saan mas mababa sa karaniwang dami ng ulan ang naitatala sa isang partikular na panahon, bagamat nakararanas pa rin ng pag-ulan ang ilang lugar.

Samantala, sa ilang lugar ay naitala ang mas malalang kondisyon na way below normal, kung saan mas mababa pa ang ulan kumpara sa normal na antas.

Ayon sa kanya, nagdulot ito ng matinding epekto sa agrikultura at suplay ng tubig.

--Ads--

Dahil sa epekto ng matinding tagtuyot, ilang lalawigan gaya ng Isabela, Cagayan, at Quirino ang nagdeklara na ng state of calamity upang mapabilis ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong residente at magsasaka.

Nilinaw naman niya na wala pang El Niño at neutral condition pa lamang ang nararanasan, bagamat posible itong mabuo mula Hunyo hanggang Agosto.

Ipinaliwanag din ng ahensya na batay sa kanilang pagtaya, maaaring maranasan ang moderate hanggang strong El Niño sa mga susunod na buwan, at posible ring umabot sa mas malakas na tinatawag rin na Super El Niño.

Patuloy namang ipinapaalala ng PAGASA sa publiko na maghanda, mag-ingat, at manatiling alerto sa patuloy na mainit at tuyong panahon sa mga susunod na linggo o buwan.