Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA sa posibilidad ng napakalakas o record-breaking El Niño sa mga susunod na buwan.
Ayon kay PAGASA Director Nathaniel Servando, malaki ang posibilidad na umabot sa very strong El Niño ang kondisyon ng panahon sa bansa.
Inaasahang mas kaunti ang pag-ulan pagsapit ng Oktubre dahil sa El Niño, na maaaring magpatuloy hanggang Marso o maging Hunyo sa susunod na taon.
Tinatayang nasa 40 lalawigan ang maaaring makaranas ng mas mababang pag-ulan dahil sa dry spell at tagtuyot, at maaaring umabot sa 80 lalawigan ang apektado pagsapit ng Enero.
Bukod sa pagbaba ng pag-ulan, inaasahan ding tataas ang temperatura na maaaring makaapekto sa sektor ng agrikultura, partikular kung magtatagal ang dry conditions.
Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis, may 75 porsyentong posibilidad na malampasan ng inaasahang El Niño ang mga naitalang episode batay sa historical records mula pa noong 1950s.
Samantala, nakikipagtulungan ang World Food Programme sa PAGASA upang matukoy ang mga posibleng pangangailangan at ayuda ng bansa sakaling lumala ang epekto ng El Niño.











