Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagtatapos ng La Niña sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng PAGASA-DOST – Echague, sinabi niya na ito ay bunsod ng unti-unting pag-init ng temperatura sa Eastern at Central Equatorial Pacific na minomonitor ng mga climatologists.
Mula sa malamig na temperatura ng dagat, ay nasa +0.5°C na ito ngayon—ibig sabihin, bumabalik na ito sa neutral condition na inaasahang magtatagal hanggang buwan ng June, July o August.
Batay sa climatology outlook, posibleng El Niño ang papalit sa La Niña patungo sa neutral condition, at pagsapit ng huling quarter ng 2026 ay maaaring bumalik muli ang El Niño hanggang 2027.
Ayon kay Tuppil, ngayong buwan ng Marso ay posibleng magkaroon ng below normal rainfall condition, at pagsapit ng Abril hanggang Agosto ay nasa normal ang forecast ng pag-ulan.
Sa mga susunod na Linggo ay posibleng magtapos na ang Northeast Monsoon o amihan sa bansa na indikasyon naman ng pagsisimula ng panahon ng tag-araw.











